Rumesponde ang mga pulis sa Barangay 628 sa Sta. Mesa kagabi kung saan isang malagim na krimen ang kagaganap pa lang.
Agad silang nagtungo sa 3 palapag at masikip na bahay na ito kung saan tumambad sa kanila ang bangkay ng isang 13 araw na gulang na sanggol. Matigas at kulay ube na ang musmos. Agad namang naisugod sa ospital ang duguang ina ng bata.
Ayon sa kanyang mga kaibigan, ligtas na siya bagamat kailangan pang operahan matapos maglaslas ng pulso pero hindi nila inasahang marinig sa kaibigan ang nakakikilabot na rebelasyon.
“Sinakal daw muna niya 'yung bata tapos uminom siya ng pampalason,” ani Marieta Gigantone, kaibigan ng ina ng sanggol.
Napag-alamang galing sa Bicol ang ina at iniluwas sa Maynila ng kanyang kuya noong Setyembre para sa kanyang panganganak. Bukod pa rito, may problema umano sa isip ang babae.
“The mother of the child... is mentally deranged,” ani SPO3 Henry Ignacio, MPD Homicide.
“Alam namin po 'yan eh, na kalalabas lang niya sa mental (hospital),” ani Gigantone.
Maaaring nagpatung-patong lang daw ang mga problema niya matapos umanong lokohin ng nobyo. Dagdag pa ang kahirapan sa buhay at hiya sa pagkupkop sa kanya ng kapatid.
Kaya nang umiyak ang sanggol kahapon, nairita na ang ale at nagdesisyon na wakasan ang lahat.
“Ngayong araw lang talaga na pumunta ako doon tapos hindi ko rin talaga siya naririnig na tumawag sa akin. Naging pabigat na raw... sila mag-ina sa kuya niya,” ani Gigantone.
Pinangangambahan ng kanyang kapatid na pagkalabas niya sa ospital ay haharap siya sa kasong parricide o kaya naman ay mabalik sa mental hospital.
